DVdA - iyan ang initials ng pangalan ng aking dating mahal.
Kasalukuyan kong tinitignan ang mga litrato niya sa multiply account ng kaklase niya ngayon. Hindi ako mapalagay, hindi ko maintindihan ang sarili ko. Gusto kong makarinig ng kahit anumang balita mula sa kanya. Gusto kong malaman kung ano na ang mga nagbago sa kanya o hindi naman ay kung anong pinagkaka-abalahan niya ngayon.
Nag-umpisa ang lahat nang mabalitaan kong namatay ang ama niya. Gusto ko siyang puntahan at yakapin nang mahigit at iparamdam sa kanya na nasa tabi niya lamang ako at hindi ko siya iiwan. Pero hindi ko magawa.
Hindi ko maintindihan kung bakit hinahanap - hanap ko pa rin siya at bakit patuloy pa rin akong naghahanap ng impormasyon tungkol sa kanya gayong mahigit dalawang taon naman na kaming naputulan ng koneksyon sa isa’t - isa.
Nang makita ko siya sa aming probinsya, hindi ako makatingin ng diretso sa kanya. Para bang mayroong bumabagabag sa aking puso’t isipan na tignan man lamang siya. Hindi ko maintindihan.
Hindi ko maintindihan ang sarili ko kung bakit iniisip ko pa siya gayong mayroon na akong iba. Mayroong ibang higit na nagmamahal at nag-aalaga sa akin ngayon at lubos kaming masaya. Oo, sa tingin ko masaya kami ng kasalukuyan kong mahal ngayon. Pero bakit hinahanap ko pa rin ang dating sinaktan ako at iniwan ko.
Alam kong hindi ako nararapat na magkaganito. Siguro nga hindi si DVdA ang lalaking nararapat para sa akin. Alam ko ring unfair ang nararamdaman kong ito. Pero hindi ko maintindihan ang sarili ko.



